Manwal ng mga Mainit ang Bait

Sagutin ang mga katanungan sa ibaba bago magpatuloy.

1. Palagi bang mainit ang ulo mo?
Kung oo, magpatuloy sa ikalawang tanong.
Kung hindi, nasasayang lang ang oras mo rito. Gumawa ka na lang ng bagay na mas makabuluhan.

2. Kaya mo bang awatin o pigilan ang sarili mo tuwing galit ka?
Kung oo, nasasayang lang ang oras mo rito. Gumawa ka na lang ng bagay na mas makabuluhan.
Kung hindi, magpatuloy sa ikatlong tanong.

3. Gusto mo ba ng payo kung paano mapahupa ang galit mo?
Kung oo, magpatuloy na sa pagbabasa ng mga nakatala sa ibaba.
Kung hindi, nasasayang lang ang oras mo rito. Gumawa ka na lang ng bagay na mas makabuluhan.

MANWAL NG MGA MAINIT ANG BAIT
Gawin lamang ang mga nakatala sa ibaba upang mapahupa ang sariling galit.

1. Ilabas mo ang galit mo sa isang bagay. Kadalasan kapag galit ka, mayroong pagnanais manakit ng tao o manira ng gamit. Tama lang na gawin ito kaysa naman magkimkim ng galit laban sa kinagagalitan. Kailangan ipahayag mo ang sarili mo! Kung ayaw magligpit ng mga bagay na ginulo o sinira, dumayo ka na lang sa Tacsiyapo Wall sa Tarlac. Puwede ka roong magbasag ng mga pinggan, at baso. Puwede ka pa ngang magwasak ng tv pero siyempre, kailangan mo bilhin ang lahat ng sisirain mo. Ang mga tao nga naman ngayon. Magbabayad pa para lang makapagpahayag ng damdamin!

2. Ilabas mo ang galit mo sa isang tao. Hindi lingid sa kaalaman ng mga taong nanonood ng “How I Met Your Mother” ang pagkakaroon ng “daloy” ng galit. Sa palabas na ito, nagsimula ang “daloy” nang pinagalitan ng isang boss ang manggagawa niyang nagngangalang Marshall. Dahil dito, nang umuwi siya, pinagalitan ni Marshall si Lily, ang asawa niya. Masama ang loob dahil pinagalitan siya ni Marshall, pinagalitan ni Lily ang kanyang mga mag-aaral. At nagtatapos ang “daloy” na ito nang magalit ang bata sa ama niya, ang boss ni Marshall. Maaaring sabihing hindi ito palaging totoo pero ito ang kadalasang nangyayari at epektibo naman ang ganitong pamamaraan. Huwag dapat maliitin ang kapangyarihan ng paninisi ng ibang tao.

3. Maglakwatsa o magbakasyon. Bantog ang ating bansa sa mga dayuhan dahil sa mga tanawing makikita rito. Nariyan ang Calle Crisologo ng Vigan, ang Chocolate Hills ng Bohol at ang beach ng Boracay. Magbabad sa araw o magsiesta sa lilom ng mga niyog. Kalimutan na ang lahat ng problema. Hindi ba masarap mamahinga? Matatakasan mo talaga ang problema mo! Tandaan, it’s more fun in the Philippines! Kung ayaw mamahinga, maaaring lumahok sa mga palakasang gaya ng basketbol o volleyball. Puwede ka ring magbabad sa tubig bukod sa masaya na, presko pa! Napatunayan ng agham na ang pageehersisyo ay makatutulong nang malaki sa paggawa ng katawan ng mga endorphins para mas maging masaya ka. Hindi ba masaya manalo sa laro? Masarap mabuhay, tunay na maginhawa kaya naman, gaya ng dating kampanya ng DOT, “Tara na! Biyahe Tayo!”

4. Iwasan ang bagay na kinagagalitan. Malamang kapag nakita mo ang kinagagalitan mo, mas magagalit ka. Upang  malimutan ang galit, kumain ka. Sa rami ng uri ng pagkaing matatagpuan sa bansa, tiyak na hindi mo pa nasusubukan ang lahat ng iyon. Nakatikim ka na ba ng balakwit, manakla, lato o ng bigoy? Lahat ng iyan ay galing sa dagat! Nakakain ka na ba ng mabolo, tiesa, duhat o sapinit? Mga bungang-kahoy naman iyan. Kung wala naman ng mga ganitong kakaibang pagkain, mag-Jollibee ka na lang. Makalilimutan talaga ang mga problema sa isang langhap pa lang!

5. Kung walang gumagana sa mga nasa itaas, itulog na lang ang galit liban na lang kung pati sa panaginip mo, galit ka.

6. Kung pati panaginip mo ay hindi maganda, ibuhos mo na lang ang galit mo upang gumawa ng ibang bagay. Isang halimbawa na lang ang pagsusulat ng manwal na ito.

Wala bang gumana ni isa? Baka ang kailangan mong basahin ay ang “Manwal ng Napapagal” ni Eros Atalia. Ingat lang!

One response to “Manwal ng mga Mainit ang Bait”

  1. ecsamar says :

    Mahusay! Binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito! Pagbati!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: