Sagisag ng Ano?

*Ang mga nakasulat sa ibaba ay opinyon ko lamang

*kung may pagkakatulad ang listahang aking ginawa (ngayon column) sa listahan ng iba, humihingi ako ng paumanhin.

Ang sagisag ng isang bansa ang mga bagay na kumakatawan sa bansang iyon. Ito ang mga bagay na may katangiang nais makamit ng bansa o hindi naman kaya ay naglalarawan sa bansa. Sa simula ng pelikulang, “Bayaning Third World”, ipinakita ang ilan sa mga sagisag ng ating bansa tulad ng pambansang dahon, pambansang prutas, at iba pa. Nang makita ko ang mga sinasabing mga bagay na kumakatawan sa ating bansa, agad kong naisip na laos na ang mga ito. Maaaring simbolo nga ang mga ito noon ng ating bansa ngunit hindi na ito makatotohanan sa kasalukuyan lalo na kung ang magsisilbing batayan ay kung gaano karami ang gumagamit o tumatanggap sa isang bagay. Kinakailangang ipinapakita ng mga sagisag ang pagka-Pilipino ng mga Pilipino ngayon. Ito ang dahilan kung bakit gumawa ako ng sarili kong talaang sa palagay ko ang mga sagisag ngayon ng Pilipinas.

Noon Ngayon
Pambansang Bayani Jose Rizal Manny Pacquiao
Pambansang Laro Sipa Basketbol
Pambansang Tirahan Bahay Kubo Barong-barong
Pambansang Sasakyan Kalesa Traysikel; Dyip
Pambansang Kasuotan Barong Tagalog at Baro’t Saya T-shirt at maong
Pambansang Sayaw Cariñosa Street Dance
Pambansang Hayop Kalabaw Askal
Pambansang Isda Bangus Galunggong
Pambansang Ibon Agila Maya
Pambansang Puno Narra Niyog
Pambansang Dahon Anahaw Dahon ng Saging
Pambansang Bulaklak Sampaguita Orchid
Pambansang Panapin Paa Bakya Gomang tsinelas
Pambansang Pagkain Litson Litson
Pambansang Prutas Mangga Mangga

Nakapaliwanag ang dahilan sa ganitong pagtatakda sa ibaba.

1. Jose Rizal vs. Manny Pacquiao

Hindi makakaila ang mga epektong dulot ng mga isinulat ni Rizal sapagkat ang mga ito ang nagsilbing inspirasyon para kumilos ang mga tao laban sa mga Kastila noon. Ito marahil ang pangunahing dahilan kung bakit si Rizal ang tinaguriang pambansang bayani ngunit sa kasalukuyang henerasyon, hindi na siya masyadong pinapahalagahan. Ganito na lamang ang nangyayari sapagkat para sa mga tao ngayon, bahagi na lamang si Rizal ng kasaysayan. Hindi na nakapag-aantig ng damdamin ang mga nilikha ni Rizal ngayon sapagkat iba na ang panahon at nagbago na ang bayan. Bayani na lamang si Rizal sa pangalan. Hindi na siya ang bayaning nakapagbubuklod sa bayan. Sa kasalukuyan, ang Pilipinong nakapagdudulot ng ganitong epekto ay si Manny Pacquiao. Tuwing may laban siya, mapapansing hawan ang mga kalsada, at mayroong pa ngang mga ulat na walang krimeng nagaganap. Totoong wala namang ginawang sakripisyo si Pacquiao tulad ng pag-alay ni Rizal ng kanyang buhay sa bayan ngunit dahil nagawa niyang tunay na maipagmamalaki ang lahing Pilipino, mas maituturing siyang bayani ng kasalukuyan.

2. Sipa vs. Basketbol

Kung halimbawang magkakaroon ng paligsahan ng sipa sa isang paaralan, maaaring mayroong ilan na marunong maglaro nito. Bagama’t mayroong ilan, siguradong hindi marunong maglaro nito ang nakararami. Sa kabilang dako, mas maraming lalahok kung basketbol ang pag-uusapan. Bakit ang larong sipa ang kikilalanin bilang pambansang laro kung kakaunti lamang ang naglalaro nito? Halos lahat naman ng kabataang Pilipino ay nakaranas nang maglaro o manood ng basketbol kahit isang beses. Bukod pa rito, tunay na sa Pilipinas ka lang makakikita ng mga basketball court na sa kalsada nakatayo kaya naman masasabing mas niyakap na ng bayan ngayon ang basketbol kaysa sa sipa.

3. Kubo vs. Barong-barong

Tanyag na tanyag ang bahay kubo dahil sa kantang “Bahay Kubo”. Noon, ang bahay kubo ang bahay na matatagpuan sa lahat ng mga probinsya sa buong kapuluan. Tinitingalaan ito ng mga tao dahil malamig ito sa loob at magandan bilang silong sa napakainit na mga araw ng bansa. Totoong matatagpuan pa rin ang kubo sa napakaraming lugar ngunit unti-unti na itong nagbabago. Mayroong mga kubo na imbis na kawayan ang gamitin bilang dingding at sahig, semento na ang ipinalit. Kung minsan, pinipinturahan na lang ang semento upang magmukhang kawayan. Ang bubong na kadalasang yari sa anahaw ay napapalitan na rin ng ibang bagay tulad ng yero. Tulad ng pagpipinta sa semento, itinatago na lamang ang yero upang hindi mahalata. Unti-unti nang nagiging pang-resort na lamang ang mga kubo. Mas maraming mga tao sa mga bayan at lungsod ang nakatira sa mga barong-barong sa halip na kubo. Bukod sa madaling makakuha ng kagamitan para gumawa ng barong-barong, madali pa itong gawin ulit kung sakaling masira. Sa mga lungsod, wala nang mga kubo subalit dumarami na ang mga barong-barong at napabibilis pa ang pagkawala ng mga kubo dahil sa urbanisasyon.

4. Kalesa vs. Traysikel/Dyip

Simula pa noong panahon ng mga Kastila, kalesa na ang ginagamit ng mga tao sa bayan upang maglakbay. Maganda itong pamalit sa pangangabayo noon sapagkat hindi ito nakapapagod. Ngayon, ang kalesa ay matatagpuan na lang sa mga pook panturista dito sa bansa. Sa lungsod, traysikel na or dili kaya’y dyip ang ginagamit ng karamihan upang maglakbay. Kahit sa nayon, kung gagamit man ng kabayo ang tao, sasakay na lang siya ng kabayo. Ang dyip at traysikel na pumalit sa kalesa ang nakasanayan ng mga tao ngayon. Bukod sa mas makatitipid, hindi namamatay o napapagod ang mga dyip o traysikel. Sa kasalukuyan, bahagi na rin nga ang mga ito ng ating kultura sapagkat tayo lamang ang mayroong ganitong uri ng transportasyon sa mundo. Tulad ni Rizal, ang kalesa ay naging isang bagay na lamang mula sa nakaraan ng bansa. Ito ang dahilan kung bakit kung papipiliin kung alin ang pambansang sasakyan sa kasalukuyan, traysikel at dyip ang mas naaangkop na kasagutan.

5. Barong Tagalog at Baro’t Saya vs. T-shirt at Maong

Tuwing may mahalagang okasyon, kadalasang makikita ang mga lalaking opisyal ng bansa na nakasuot ng mga barong tagalog. Ang kababaihan naman, imbis na magsuot ng kagawiang baro’t saya, mga gown na ang sinusuot. Maaaring mayroong mga patulis sa bandang balikat ng manggas hango sa mga baro noon subalit gown pa rin ang kinalabasan. Ang dahilan kung bakit ang mga ito siguro ang itinalaga bilang mga pambansang damit ay ang pang-araw-araw na pagsuot ng mga ito noon. Sa kasalukuyan, hindi na ito totoo at tanggapin natin o hindi, unti-unti na ring nawawala ang bahaging ito ng ating kultura. Totoong masasabing buhay na buhay pa ang barong kahit hindi ito masasabi sa baro’t saya ngunit nagsusuot din ng amerikana ang karamihan sa mga ito at mas malimit pa. Ang pang-araw-araw na sinusuot ng nakararami sa mga Pilipino ang T-shirt at maong. Kung italaga siguro sa mga tao na magsuot ng T-shirt at maong, lahat siguro, higit kumulang, ay makapagsusuot ng ganitong damit samantalang hindi ito magagawa sa barong at baro’t saya. Masasabing napaka-kanluranin nito ngunit ito na ang lipunan ngayon. Nagdaan na ang panahon ng barong at baro’t saya. Dahil T-shirt at maong na ang mas sinusuot kaysa sa mga nakagawiang mga damit, mas maituturing ang mga ito bilang pambansang damit.

6. Cariñosa vs. Street Dance

Patok ang mga sayaw na Carinosa noon sapagkat patok din ang mga mababagal na awit subalit sa kasalukuyang henerasyon, bihira na lamang ang marunong magsayaw nito. Panahon pa pati ng mga Kastila ang sayaw na ito at ilang daang taon na rin tayong malaya mula sa Espanya. Dahil sa impluwensya ng mga makabagong awitin na mayroong mga mabibilis na bahaging may kasama pang rap, ang street dance ang mas kinikilingan ng kabataan ngayon. Ang nauuuso ngayon sa bansa ay mga kantang Amerikano o kaya’y Koreano na pawang may mabibilis kung pakikinggan at tanging ang street dance lamang ang nakasasabay sa ganitong uri ng kanta.

7. Kalabaw vs. Askal

Isang bansa ng mga magsasaka ang Pilipinas noon at hindi bihira ang mga parang, sapa, at gubat noon. Ngayon, karamihan sa mga Pilipino ay nakatira na sa mga lungsod. Dahil dito, ang kalabaw, isang hayop sa bukid, ay wala nang ganoon kalaking halaga sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Sa iba, maaari pa ngang ituring na parang isang hayop mula sa zoo ang kalabaw dahil hindi ito basta-basta makikita. Sa kabilang dako, mas bihasa pa ang karamihan ng mga Pilipino sa hitsura ng askal o ang asong kalye. Laganap ang mga askal sa halos lahat ng lungsod at matatagpuan itong paligoy-ligoy lamang sa mga lansangan. Walang lungsod sa bansa na walang askal. Mayroong ilan pang mga taong kumikilala sa askal bilang isang panibagong lahi ng aso. Umabot pa ito sa puntong ang salitang “askal” ang siyang naging ugat ng pangalan ng football team ng bansa na “Azkals”.

8. Bangus vs. Galunggong

Bantog ang bangus para sa kakaiba nitong lasa na parang may bahid na lasa ng gatas. Laganap ang isdang ito sa Pilipinas simula pa noong unang panahon hanggang ngayon subalit sa kasalukuyan, kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, tumataas na rin ang presyo ng bangus. Umaaabot ng humigit kumulang 100-120 pesos ang kilo ng bangus ngayon kaya naman talagang kadalasang hindi ito nagkakasya sa budget ng isang pamilyang Pilipino. Hindi na pangmasa ang bangus. Ang galunggong naman, dahil mas maraming piraso ng galunggong ang kakasya sa isang kilo, mas maraming tao ang nakakakain kaya naman ito ang pinipili ng nakararami. Bukod pa rito, mas kaunti pa ang tinik nitokung ihahambing sa bangus kaya mas madaling kainin. Mayroon pang mga galunggong na dinadaing at tinutuyo kaya hindi kaagad-agad masisira. Ito ang mga dahilan kung bakit sa panahon ngayon, mas marami ang pumipili ng galunggong imbis na bangus.

9. Agila vs. Maya

Kumakatawan ang agila sa kalayaan at dangal ng bansa. Totoong sa kasalukuyan, pinahahalagahan pa rin ang mga ito sa bansa. Ang tanging suliranin lang dito ay agila rin ang pambansang ibon ng dating sumakop sa Pilipinas, ang Estados Unidos. Hindi masasabing nagkataon lamang ito sapagkat matagal-tagal din tayong nasa ilalim ng kapangyarihan ni Uncle Sam. Maaaring sabihing may pag-iisip tayong mas maganda pa rin ang kalagayan nila at sa gayon, maaaring sabihing may pag-iisip na pos-kolonyal ang bayan. Bukod pa sa kadahilanang ito, madalang na ang agila at hindi ito matatagpuan sa buong kapuluan. Dapat kumatawan ang pambansang ibon sa buong bansa kaya naman dapat isang ibong matatagpuan sa buong bansa ang italaga. Isa sa mga ibong papasa sa ganitong pamantayan ang maya. Maaaring isagisag ng maya kung paano kapayak ang mga Pilipino. Puwede rin naman nito isimbolo kung paano kalat na sa buong mundo ang lahing Pilipino sapagkat sa Pilipinas, halos lahat ng lugar ay may maya.

10. Narra vs. Niyog

Matibay, matatag at maganda pa; itong tatlong katangian ng narra siguro ang naging dahilan kung bakit napili ito bilang pambansang puno. Bagama’t hindi makakailang maganda nga ang puno at ang mga katangian nito, unti-unti nang nawawala ang puno ng narra. Sa Metro Manila, totoong mayroon pang mga narra ngunit hindi na dumarami ang mga ito. Kung mamatay man ang mga puno na ito, kadalasan, lalo na kapag nasa gilid ng kalsada ang puno, hindi na ito papalitan ng panibagong puno. Ang unti-unting pagkaubos ng narra ang dahilan kung bakit ang puno ng niyog ang mas angkop na ituring bilang pambansang puno. Tinagurian bilang “puno ng buhay” ang puno ng niyog sapagkat lahat ng bahagi nito, mula ugat hanggang dahon, ay maaaring gamitin. Bukod pa rito, dahil laganap ang punong ito sa bansa, sari-saring negosyo na ang sumulpot dahil dito sa bansa. Mayroong mga pabrika sa bansa para sa coconut oil, dessicated coconut, at cocowater na siyang malaki ang bahagi sa ekonomiya ng bansa.

11. Anahaw vs. Dahon ng saging

Ginagamit ang anahaw sa ilang bagay tulad ng pagbabalot ng pagkain at pambubong ng kubo ngunit bukod pa rito, wala nang malawakang gamit ang anahaw. Gaya rin ng narra, animo’y kumakaunti na rin ang anahaw at umaabot ito sa puntong mayroong mga ilang Pilipino na hindi alam kung ano ang hitsura ng anahaw. Dahil dito, ang dahon ng saging na ginagamit sa halos lahat ng kakanin, ang mas bagay bilang pambansang dahon. Mula puto at kutsinta hanggang sapin-sapin at bibingka, dahon ng saging ang ginagamit kaya naman kilala ito ng halos lahat ng mga Pilipino kaysa sa anahaw.

12. Sampaguita vs. Orchid

Kadalasan, kakahuyan o kaya isang banyagang imahe ang dala ng karamihan sa mga tanyag na bulaklak tulad ng rosas, carnation, at iba pa. Walang ganitong dating ang sampaguita ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, ang bulaklak na sampaguita ay hindi talaga sa Pilipinas nanggaling. Sa bansang India nanggaling ang iba’t ibang uri ng jasmine o sampaguita na may kaaya-ayang amoy. Kumbaga, maaaring tawagin pang dayuhan sa bansa ang bulaklak na ito. Isa sa mga endemic o sadyang matatagpuan sa Pilipinas ang bulaklak na orchid. Ang bulaklak na orchid ang isa sa iilang mga halaman na makapag-papaalala sa isang tao tungkol sa isang kagubatan na may tropikal na klima na sadyang matatagpuan sa Pilipinas. Tanyag din ang Pilipinas para sa kakaibang orchid nito kaya naman kung papipiliin kung alin ang mas nararapat na pambansang bulaklak, isang bulaklak na endemic ang dapat.

13) Bakya vs. Gomang tsinelas

Ang bakya ay isang uri ng tsinelas na gawa sa kahoy ang panapin sa paa imbis na balat o di kaya’y goma. Ito ang tsinelas na sinusuot ng maraming matatanda noon. Bagama’t kakaiba ang bakya at masasabing tunay na Pilipino, laos na ito at sa kasalukuyan, hindi na nagsusuot ang karamihan sa mga Pilipino ng bakya. Maaaring may mga pagkakataong mayroong mga tsinelas na kahoy ang panapin, wooden clogs na ang tawag sa mga ito at hindi bakya. Dahil mas pinili na ng mga tao ang gomang tsinelas, wala na masyadong nagtitinda ng bakya. Maaaring maraming nagsusuot nito sa mga palabas na may tema ng kulturang Pilipino subalit sa palengke halimbawa, bihira ang nagbabakya. Mas pinipili ng mga tao ang gomang tsinelas  sapagkat hindi gaya ng bakya na matigas, masarap suotin ang gomang tsinelas.

14-15) Mangga at Litson

Ang mangga at litson ang tanging mga bagay na hindi nagbago sa aking listahan sapagkat ang mga ito ay buhay na buhay pa rin sa ating lipunan sa kasalukuyan. Maaaring sabihin na buhay pa rin ito dahil sa hilig ng mga Pilipinong kumain. Tuwing may pagdiriwang at kapag may handaan, ang litson pa rin ang hinahanap ng mga tao. Ito pa rin ang hari ng mga lamesa ng mga Pilipino. Ang mangga naman, hinog o hilaw, pawang kinakain pa rin ng mga Pilipino. Bantog pa nga sa mga dayuhan ang dried mango ng Pilipinas.

Sanggunian para sa lista ng “noon”:

2 responses to “Sagisag ng Ano?”

  1. ecsamar says :

    Ibig kong ayusin mo pa ito sang-ayon sa ating “Checklist” dahil may ilan pang pagkakamali, tulad ng pag-uulit (hal., “barung-barong” na dapat ay “barong-barong”) o hindi/maling paggamit ng pang-angkop (“Kung halimbawa magkakaroon…” na dapat ay “Kung halimbawang magkakaroon…”). Tiyaking naiwasto ang lahat sang-ayon sa ating “Checklist” bago muling ipasa sa akin ang link ng rebisyon. Salamat!

  2. ecsamar says :

    Natutuwa ako sa pagsisikap mong paghusayin ang sariling pagsusulat sa Filipino. Kapuri-puri rin ang panahong inilaan para masulat at marebisa ito. Binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: